Nasawi ang isang miyembro ng New People’s Army sa engkwentro sa Barangay Gusaran, Silvino Lubos, Northern Samar, noong Disyembre 10, bandang alas-6:57 ng umaga.
Ayon sa ulat, nakipag-engkwentro ang mga tropa ng 19th Infantry “Commando” Battalion sa NPA matapos mag-report ang isang concerned na sibilyan tungkol sa tuloy-tuloy na panghihingi ng pera at pananakot ng grupo sa komunidad.
Tumagal ang labanan ng humigit-kumulang 30 minuto, na nagresulta rin sa pagkakarekober ng M16 rifle, magazines, backpacks, bandolier, personal na gamit, at iba’t ibang subversive documents.
Sinabi ni Lt. Col. Ricky James L. Rosalejos, Commander ng 19IB, na malaking tulong ang kooperasyon ng komunidad sa matagumpay na operasyon at pinuri niya ang kanyang tropa sa mabilis at propesyonal na pagtugon.
Pinuri rin ni Brig. Gen. Carmelito T. Pangatungan, Commander ng 803rd Infantry Brigade, ang sibilyang nagbigay ng impormasyon at hinimok ang mga residente—lalo na sa mga GIDAs—na patuloy na suportahan ang mga inisyatibo ng gobyerno para sa kapayapaan. Hinikayat din niya ang mga natitirang NPA na sumuko at simulan muli ang buhay sa tulong ng gobyerno.











