Itinanggi ni dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ang pagdawit sa kaniyang pangalan sa flood control anomaly.
Sa isang statement sa kaniyang online (FB) post ngayong Sabado, Disyembre 6, tinawag ng dating Senador ang naratibong pilit na ibinabato laban sa kaniya bilang kasinungalingan at sadyang hindi kapani-paniwala.
Saad din ni Revilla na ginagamit siya para malihis ang katotohanan dahil “easy target” siya subalit naniniwala siyang lalabas din ang katotohanan at kailanman ay hindi ito matatakpan.
Inalala pa ng dating Senador ang nagdaang kasong hinarap niya. Aniya, hindi siya tumakbo at hindi rin nagtago. Kung noon aniya ay hindi siya umurong, hindi rin siya uurong ngayon dahil nasa panig niya ang katotohanan.
Iginiit din ni Revilla na haharapin niya nang buong tapang at paninindigan ang mga inaakusa laban sa kaniya.
Gayundin, sinabi niyang sa huli ay ang mga tunay na may sala ang mananagot, para sa hustisya at para sa bayan.
Ginawa ni Revilla ang paglilinaw matapos na isama ang kaniyang pangalan at ni dating Congressman Zaldy Co sa karagdagang respondents para sa kaso may kinalaman sa limang maanomaliyang flood control projects sa Bulacan.
Nauna na ring inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang paghahain ng mga kaso laban kay Revilla at iba pa, para posibleng mga kaso ng direct at indirect bribery, corruption at administrative sanctions.
Unang nakaladkad ang pangalan ni Revilla matapos ibunyag ni dating DPWH Henry Alcantara noong Setyembre ngayong taon, na mayroong P300 million halaga ng mga proyektong isiningit sa 2024 national budget para kay Revilla kung saan nakatanggap ito kasama si Alcantara ng 30% na porsyento ng commitment mula sa insertions, bagay na nauna nang pinabulaanan ni Revilla.











