-- ADVERTISEMENT --

Inamin ng Chief Economist ng Pilipinas na si Secretary Arsenio Balisacan na malabong maabot ang target na economic growth para ngayong 2025 na 5.5% hanggang 6.5%.

Ayon sa kalihim, ang average gross domestic product para sa unang tatlong kwarter ng taon ay nasa 5%, mababa sa target ng gobyerno.

Mahirap aniya na maabot ito Kahit na ang pinakamababang target. Aniya, para maabot ang nasa 5.5% na paglago ngayong taon, kailangang makapagtala ng 7% sa huling kwarter ng 2025.

Ipinaliwanag naman ni Balisacan na maraming kalamidad ang tumama sa huling kwarter ng taon kabilang na ang mga bagyo at mga lindol, na nakaapekto sa mga economic activity dahil sa suspensiyon ng trabaho at klase.

Bukod dito, mas mababa ang government spending ngayong taon dahil na rin sa halalan, na naglimita sa paggugol ng mga ahensiya gayundin nakaapekto ang isyu ng korapsiyon sa flood control projects.

-- ADVERTISEMENT --

Nagresulta aniya ito sa pagbagal ng spending partikular na sa konstruksiyon ng mga ahensiya lalo na sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nilinaw naman ng Chief Economist na sa kabila ng mas mabagal na paglago, nananatiling matatag ang ekonomiya ng Pilipinas.

Aniya, ang 5% gross domestic product ay paglago pa rin, nariyan din ang paghupa ng inflation rate at pananatiling “healthy” ng banking system.

Nananatili din aniyang isa sa best performing economies ang Pilipinas sa rehiyon.

Tiniyak naman ni Balisacan na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang paglikha ng mga reporma para maka-engganyo ng mas maraming investments at maitaas ang pamumuhay ng mga Pilipino.

Umaasa rin siyang mareresolba na ang isyu ng flood control anomaly at maparusahan ang mga sangkot, dahil makakatulong aniya ito upang mapanumbalik ang kumpiyansa ng mga investor sa Pilipinas.