Nakuha ng Pilipinas ang malaking panalo sa kalakalan matapos alisin ng Estados Unidos ang taripa sa mahigit $1 bilyon na halaga ng mga produktong agrikultural ng bansa, pati na rin sa iba’t ibang industrial goods—na magbibigay-daan para halos kalahati ng kabuuang eksport ng Pilipinas sa U.S. na makapasok duty-free.
Ayon kay Acting Finance Secretary Frederick D. Go, malaking tulong ito sa mga magsasaka dahil kabilang sa mga produktong tinanggalan ng 19% tariff ay saging, niyog, mangga, dried guava, kape, tsaa, spices, at ilang fertilizers.
Giit ni Go, ang pagtanggal ng taripa ay magpapalakas sa kompetitibong kakayahan ng mga produktong Pilipino, makalilikha ng trabaho, at magpapatatag sa supply chain.
Ayon sa Department of Trade and Industry, umabot sa $1 bilyon ang export value ng mga produktong agrikultural noong 2024, habang $5.8 bilyon naman ang halaga ng industrial products na kasama rin sa exemptions.
Inanunsyo ng White House noong Biyernes na tinanggal ng U.S. ang taripa matapos ang reciprocal trade talks at pagbusisi sa domestic demand at production capacity.
Sa bagong polisiya, halos $14.5 bilyon na eksport ng Pilipinas sa U.S. ay papasok nang walang taripa, kabilang ang maraming industrial products gaya ng semiconductors.
Sinabi naman nina Go at DTI Secretary Cristina Roque na patuloy pa ang negosasyon para mapasama rin ang garments, textiles, at furniture sa susunod na batch ng tariff exemptions.
Ang 19% tariff ay ipinataw ng U.S. sa karamihan ng produktong Pilipino noong Hulyo, kasabay ng iba pang major ASEAN economies.











