Ipinahayag ni Pope Leo XIV nitong Martes ang matibay na suporta sa mga Katolikong obispo sa U.S. na kumondena sa immigration crackdown ng administrasyong Trump, at hinikayat ang mga Amerikano na pakinggan ang mensahe ng simbahan at tratuhin ang mga migrante nang may dignidad.
Ang Santo Papa, na kauna-unahang Amerikanong naging pinuno ng Simbahang Katolika, ay tinanong tungkol sa “special message” na inilabas ng U.S. Conference of Catholic Bishops sa kanilang kamakailang general assembly. Nilalaman nito ang pagkondena sa mass deportation ng mga migrante, ang pag-vilify sa kanila sa kasalukuyang debate tungkol sa migration, at ang kakulangan ng pastoral care sa mga detention centers.
Bagama’t inamin ng papa ang mga suliranin sa sistema ng migrasyon sa U.S., iginiit niya na hindi ito nangangahulugang dapat buksan ang borders. Subalit binatikos niya ang hindi makataong pagtrato sa mga matagal nang naninirahan sa bansa, ilan ay nasa 10 hanggang 20 taon na.
Itinatangi ang mensahe ng mga obispo, dahil ito ang kauna-unahang single-issue statement mula 2013. Kasama rin sa mensahe ang video sa Instagram na nagpapakita ng mga obispo habang binabasa ang teksto upang higit pang maiparating ang kanilang panawagan.











