-- ADVERTISEMENT --

Mainit na pinaguusapan ngayon sa social media ang ilang araw lamang na pagitan ng pagkamatay ng dating Vivamax actress at freelance model na si Gina Lima at kaniyang dating nobyo na si Ivan Cezar Ronquillo.

Noong gabi ng Linggo, Nobiyembre 15, isinugod ni Ronquillo si Gina sa QC General Hospital subalit idineklara siyang dead on arrival.

Ayon kay QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) chief Lieutenant Colonel Edison Ouano, base sa affidavit ni Ronquillo, nagtungo ang dalawa sa isang inuman gabi noong Sabado, Nobiyembre 15 at umuwing magkasama sa condominium ni Ronquillo kinaumagahan at bandang tanghali ay natulog silang dalawa.

Nang subukan umano ni Ronquillo na gisingin si Gina bandang alas-8:00 ng gabi, hindi ito sumasagot kayat agad niyang tinawagan ang kaniyang ama at isinugod si Gina sa ospital.

Matapos pumutok ang balita ng pagkasawi ng modelo, inakusahan si Ronquillo ng pambubogbog umano kay Gina na humantong sa pagkamatay nito.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit lumabas sa inisyal na medico-legal report na inilabas ng Quezon City Police District (QCPD), namatay si Lima dahil sa cardio-respiratory distress.

Base sa initial findings, walang komosyon na nangyari sa condominium at organisado aniya ang kwarto nang kanila itong siyasatin.

Ayon kay Lt. Col.Ouano, bagamat may mga kunting pasa sa legs ng modelo, ito ay mga tuldok-tuldok lang.

“Tiningnan ng mga investigator natin agad ‘yung leeg at tsaka ‘yung sa mukha kung may signs ng strangulation at tsaka ‘yung pinigilan ‘yung paghinga, so initially wala namang nakitang ganoon na pasa,” paliwanag ni Ouano.

Ilang araw matapos ang pagkasawi ng modelo, natagpuang walang buhay si Ronquillo sa kaniyang condo kaninang umaga lamang, Miyerkules, Nobiyembre 19.

Kinumpirma ni La Loma Police Station chief Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre na nagbigti si Ronquillo. Isinugod siya sa QC General Hospital subalit idineklara siyang patay matapos subukan ng mga doktor na i-revive siya.

Nangyari ang pagpapatiwakal ni Ronquillo sa gitna ng mga natatanggap niyang pagbabatikos sa social media na sinisisi siya sa pagkamatay ng modelo at inaakusahan pang nagdrodroga umano.

Ilang oras bago pumanaw si Ronquillo, ibinahagi pa niya sa kaniyang Facebook account ang video at larawan ng mga kalmot at mga sugat sa kaniyang mukha at kamay at direktang pinangalanan si “Kevin Tan” na nagpakalat ng maling impormasyon laban sa kaniya.

Sa isa pang ibinahaging video ni Ronquillo kasama si Gina Lima, makikitang gumagamit ang modelo ng nebulizer kayat komento ng mga netizen posibleng may sakit na asthma ang modelo.

Sa ngayon, inaantay pa ang resulta ng toxicology at hispathology tests sa modelo para malaman ang pinal na dahilan ng kaniyang pagkamatay.