Mariing pinabulaanan ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin ang pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) na nagbitiw umano siya sa puwesto “out of delicadeza,” at iginiit na hindi siya nag-resign bago ilabas ng Malacañang ang anunsyo.
Sa isang panayam kay Bersamin sinabi nito na ang tanging dokumentong ipinasa niya ay ang liham na nilagdaan lamang niya kamakalawa ng hapon, kung saan sinabi niya na “I bow to the prerogative of the President” at tinatanggap niya ang pagpapalit sa kanya bilang Executive Secretary.
Sinabi ni Bersamin na masarap pakinggan ‘yung ‘out of delicadeza,’ pero hindi totoo ‘yan hindi ako nag-resign.
Dagdag niya, ang tenure niya bilang ES ay “at the pleasure of the President,” at handa siyang umalis anumang oras na ipag-utos ng Pangulo.
Tinuligsa rin ni Bersamin ang timing ng anunsyo ng PCO, na lumabas noong Nobyembre 17, isang araw bago niya lagdaan ang kanyang liham.
Sinabi niyang hindi siya kinonsulta bago inilabas ang pahayag.
Aminado siyang “medyo nasaktan” siya, pero aniya, hindi na niya uubusin ang oras para doon dahil maaaring may maling impresyon lamang ang PCO.











