Ibinunyag ni dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na may tangkang paglalaan ng daan-daang milyong piso para sa flood control projects sa ikalawang distrito ng Pampanga sa ilalim ng House General Appropriations Bill (GAB).
Sa gitna ng deliberasyon ng committee amendments, napag-alaman nilang hindi sila ang nagpasok ng naturang alokasyon.
Agad silang nagpasalamat sa House Committee on Appropriations sa pag-alis ng pondo sa opisyal na committee report.
“During the discussions on the committee amendments to the House GAB, we were informed of an attempt to allocate several hundreds of millions flood control funds to the 2nd district of Pampanga. We were not the ones who put introduced that proposed allocation. We thank the Appropriations Committee for removing it in the committee report,” wika ni Arroyo.
Ang insidente ay lumutang sa gitna ng mas malawak na isyu ng realignment ng P255.5 bilyong flood control funds ng DPWH, na iniimbestigahan dahil sa alegasyon ng ghost projects at hindi makatarungang alokasyon.
Ayon sa mga ulat, may ilang distrito na nakatanggap ng sobrang pondo kahit hindi lubhang apektado ng pagbaha.
Nanawagan ang ilang mambabatas ng mas mahigpit na auditing at transparency sa paglalaan ng pondo ng bayan.
Patuloy ang pagsusuri ng Kamara upang matiyak na ang flood control budget ay mapupunta lamang sa mga lugar na tunay na nangangailangan.











