Nagdulot ng matinding pagbaha sa maraming komunidad sa Taiwan ang bagyong Fun-wong na dating tumama sa Pilipinas bilang Super Typhoon Uwan.
Bago ang tuluyang pagtama ng bagyo sa Taiwan, libo-libong katao na ang inilikas ng pamahalaan, habang isinara ang mga eskwelahan at business establishments.
Umabot na rin sa 51 katao ang natukoy na nagtamo ng iba’t-ibang injury dahil sa epekto ng bagyo.
Sa Yilan County, ilang lugar ang nakaranas ng hanggang 650mm ng ulan na nagdulot ng lampas-taong pagbaha. Ito ay katumbas ng isang-buwang bulto ng ulan, na nagpalubog sa mahigit 1,000 kabahayan.
Sa kasalukuyan, nananatili sa mga evacuation center ang mahigit 8,300 katao na inilikas matapos bahain ang kanilang mga kabahayan. Ang mga ito ay mula sa Yilan at Hualien County, ang dalawang pinakamatinding naapektuhan ng bagyo.
Maalalang humina bilang tropical storm ang bagyong Uwan bago ito tuluyang nanalasa sa malaking bahagi ng Taiwan. Ito ay ilang araw matapos itong manalasa sa Pilipinas bilang isang super typhoon.
Sa kasalukuyan, lalo pang humina ang naturang bagyo bilang isang tropical depression habang nagpapaulan sa ilang bahagi ng Taiwan.











