Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na ang impormasyon at electronic copy ng umano’y arrest warrant laban kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ay nakuha ng kanyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla mula sa isang third source, at hindi direktang galing sa International Criminal Court (ICC).
Bagama’t aniya na kahit “mukhang opisyal” ang dokumentong isinumite, binigyang-diin nito na kikilos lamang sila kung ito ay nakabatay sa opisyal na dokumento.
Matatandaan noong Nobyembre 8, sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na naglabas na umano ang ICC ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa.
Ngunit nitong Martes, nilinaw niyang ito ay bahagi lamang ng media scoop para sa kanilang programa.
Tumanggi namang magkomento si Interior Sec. Jonvic Remulla sa posibleng aksyon ng Philippine National Police (PNP) sakaling may lumabas na tunay na warrant mula sa ICC.
Nilinaw din ng DILG na wala pang natatanggap na red notice o opisyal na abiso mula sa ICC ang Center for Transnational Crime kaugnay ng nasabing isyu.











