Nanawagan si Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña na tiyakin ng Kongreso na ang ipapasa nitong Anti-Political Dynasty Law ay komprehensibo, walang sinasanto, at walang pinapalusot. Ito ay matapos marinig ang pangako ng liderato ng Kamara na bibigyang-pansin ang naturang panukala.
Ayon kay Cendaña, hindi sapat na magkaroon lamang ng batas laban sa political dynasty kung ito naman ay mahina at may mga butas na maaaring samantalahin ng mga makapangyarihang pamilya sa politika.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang tunay na diwa ng panukala ay ang pagbibigay ng patas na pagkakataon sa lahat ng mamamayan na makapagsilbi sa gobyerno, nang hindi nalilimitahan ng kontrol ng iilang pamilya.
Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng malakas at malinaw na Anti-Political Dynasty Law ay mahalaga upang maputol ang siklo ng pamumuno ng mga dinastiya na nagiging hadlang sa mas malawak na representasyon at tunay na demokrasya.
Sa ngayon, inaasahan ng publiko na tutuparin ng Kongreso ang pangako nitong seryosong talakayin at ipasa ang panukalang batas na matagal nang hinihintay ng taumbayan.











