-- ADVERTISEMENT --

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas pinaigting na kampanya sa paglilinis ng mga estero at daluyan ng tubig bilang bahagi ng Oplan Kontra Baha upang mabawasan ang pagbaha sa mga lungsod sa bansa.

Sa kaniyang pahayag binigyang-diin ni Pangulong Marcos na mahalagang linisin ang lahat ng estero upang maging maayos at maganda ang daloy ng tubig at hindi tuluyang masira o maiwan ang lupa.

Aniya, hindi ito gawaing magagawa nang minsanan lamang, kundi kailangang tuluy-tuloy na isinasagawa.

Dagdag pa ng Pangulo, lalaliman pa ng hanggang 10 talampakan o 3 metro ang paghuhukay sa ilang bahagi ng mga estero na sobrang mababa na.

Ang unang bahagi ng programa ay magpapatuloy hanggang unang bahagi ng Hunyo, ngunit tiniyak niyang kahit matapos ang panahong iyon ay magiging regular na aktibidad na ito ng pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Ibinunyag din ng Pangulo na maraming pumping station ang hindi pa rin gumagana mula nang maitayo na ito mismo ang nagiging dahilan ng pagbara at pagtaas ng baha.

Kaya’t kinakailangan aniya ang masinsinang paglilinis ng basura at paghuhukay sa mga waterways.

Target ng programa na mabawasan ng 60% ang pagbaha sa mga urban area kapag naayos na ang mga pumping station at natapos ang mga proyekto sa ilalim ng Oplan Kontra Baha.

Hindi lamang sa Metro Manila isinasagawa ang hakbang na ito, kundi maging sa Cebu, Bacolod, Ilocos, Pangasinan, Davao, at iba pang urbanized cities sa bansa.