Nagpapasaklolo ang asawa ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na mabigyan ng due process ang senador sa harap ng posibilidad ng paglabas ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Senadora Imee Marcos, takot na takot umano si Nancy Dela Rosa, ang asawa ni Senador Bato, at umaasang mabibigyan ng karampatang hustisya ang mambabatas.
Kinumpirma ni Marcos na wala siyang direktang komunikasyon kay Dela Rosa at ang asawa lamang nito ang nagpaabot ng mensahe sa kanya.
Hindi na rin umano inabala pa ni Marcos ang asawa ng senador para tanungin kung nasaan si Senador Bato, dahil aniya, hindi rin naman daw ito sasabihin at ayaw na rin niyang malaman.
Gayunman, handa raw tulungan ni Marcos si Senador Dela Rosa sa abot ng kanyang makakaya—hindi upang mailigtas kung talagang may sala, kundi upang matiyak na mabibigyan ito ng tamang proseso at hindi na maulit ang nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ngayon, panawagan ng senadora na ihinto ang pananakot at kung totoo raw na may warrant, ay ilabas ito. Kung wala naman, mas mabuting manahimik na muna.
Si Dela Rosa ay nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa crimes against humanity dahil sa papel na ginampanan niya noong panahon ng madugong kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bilang dating hepe ng Philippine National Police at itinuturing na pangunahing opisyal ni Duterte, si Dela Rosa ang naglabas ng Command Memorandum Circular No. 16-2016 matapos niyang maupo bilang PNP chief.
Ang nasabing memorandum ang naging batayan ng Project Double Barrel, na siyang nagpasimula ng kampanya laban sa ilegal na droga ni Duterte na kalaunan ay nakilala bilang Oplan Tokhang.











