Ipinagpatuloy ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng Leyte at ng Tingog Party-list ang kanilang relief operations para sa mga komunidad na matinding naapektuhan ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan, na umabot sa libu-libong residente sa Catbalogan City, Samar.
Tinatayang nasa 3,000 katao ang nakatanggap ng food packs at iba pang pangunahing pangangailangan mula sa tanggapan ng Kongresista ng Unang Distrito ng Leyte at Tingog Party-list. Isinagawa ang pamamahagi sa Samar National High School, isa sa mga pangunahing evacuation center sa lungsod.
Kabilang ang Catbalogan City sa mga lugar na pinakamatinding tinamaan ng Super Typhoon Uwan, na nagdulot ng malaking pinsala sa mga kabahayan at imprastruktura.
Ayon kay Romualdez, isinasagawa ang relief efforts sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at lider ng komunidad upang matiyak na ang tulong ay makarating sa mga pinaka-nangangailangan.
Samantala, nagsagawa rin ng hot meal distribution ang Tingog Party-list sa Barangay Silangan Elementary School sa Quezon City para sa mga evacuee na pansamantalang nanunuluyan sa Metro Manila at Pasig City, ayon kay Tingog Rep. Jude Acidre.
Patuloy rin umanong nakikipagtulungan ang Tingog Party-list sa Office of Civil Defense at mga lokal na pamahalaan sa Eastern Visayas upang maipadala agad ang mga relief goods at suporta sa mga residente ng Samar at Leyte na tinamaan ng magkasunod na bagyo.











