Nanawagan ang mga pamilya ng mga biktima ng kampanya kontra-droga na arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sakaling ipalabas ng International Criminal Court (ICC) ang warrant of arrest laban sa kanya.
Ayon sa grupong Rise Up for Life and for Rights, matagal na nilang hinihintay ang araw na makulong ang mga kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.
Binanggit ni Llore Pasco, na nawalan ng dalawang anak sa anti-drug operations, na “deserved ni Bato na makasama si Duterte sa kulungan” dahil sa kanyang papel sa mga pagpatay.
Iginiit ng grupo na si Dela Rosa ang nagpalawak ng “Davao Death Squad” model sa pambansang antas nang siya ay maging hepe ng Philippine National Police.
Ayon kay Rubylin Litao, national coordinator ng Rise Up, si Dela Rosa ay malinaw na kasabwat sa mga krimen laban sa sangkatauhan.
Dagdag pa ni Jane Lee, na namatayan ng asawa sa tokhang, patuloy silang umaasa na makulong ang mastermind at lahat ng kasangkot.
Hinamon ng grupo ang administrasyong Marcos at ang Senado na huwag maging kanlungan ng mga kriminal at tiyakin ang hustisya para sa mga biktima.










