Nagbabala ang mga awtoridad na posibleng maapektuhan ang papalo sa 8.4 milyong katao sa ilang rehiyon sa bansa bunsod ng malakas na bagyong Uwan na may potensiyal na umigting pa bilang “Super Typhoon”.
Ito ang inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) base sa predictive analytics.
Kabilang sa mga rehiyong posibleng maapektuhan ay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region (CAR), CALABARZON at sa Bicol.
Subalit ang rainband nito o ang sirkulasyon ng bagyo ay maaaring maabot ang Western Visayas, Negros Island, Central Visayas at Eastern Visayas na nauna ng nakaranas ng hagupit ng nagdaang bagyong Tino.
Maaaring maapektuhan ng bagyong Uwan ang 5.7 milyong residente sa mga komunidad na malapit sa mga baybayin at 466,000 mahihirap na pamilya partikular na sa CAR, Ilocos Region at Cagayan Valley.
Samantala, ibinabala naman ni Office of the Civil Defense (OCD) Deputy Administrator for Administration, Asst. Sec. Bernardo Rafaelito Alejandro na maaaring magdulot ng mabibigat na pag-ulan at mapaminsalang hangin ang malawak na saklaw ng Uwan na may radius na 700 kilometers sa maraming mga lugar. Ang diameter nito na nasa 1,400 kilometers ay maaaring makaapekto sa mga lugar mula Batanes pababa sa Bohol.
Nasa mahigit 8,000 barangay naman ang natukoy na posibleng makaranas ng mga pagguho ng lupa at pagbaha bunsod ng mga pag-ulan, base sa datos ng Mines and Geosciences Bureau ng DENR.
Kaugnay nito, ibinabala ng ahensiya na mas maraming lugar ang bulnerable dahil sa paglambot ng lupa dulot ng mga pag-ulan mula sa nagdaang bagyong Tino partikular na sa Southern Leyte, Quezon, Sorsogon, Cebu, Capiz, Palawan at Surigao.
Bilang tugon, hinimok ng ahensiya ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad na ng pre-emptive at forced evacuations hanggang bukas, araw ng Linggo lalo na sa mga komunidad na delikado sa pagbaha at pagguho ng lupa.











