Pinakiusapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga shopping mall sa buong Luzon na magbigay ng libreng overnight parking para sa mga motorista na posibleng maapektuhan ng paparating na bagyong Uwan.
Ayon sa inilabas na memorandum ng MMDA, ang panukalang ito ay magsisimula sa Sabado ng gabi at mananatili hanggang sa tuluyang pagdaan ng bagyo sa rehiyon.
Nagpasalamat din ang MMDA para sa mga shopping mall operator na susunod sa abiso ng pamahalaan na malaking tulong para maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mga Pilipino sa gitna ng inaasahang magiging epekto ng bagyong Uwan.
Samantala batay sa state weather bureau, ang bagyong Fung-wong (“Uwan”) ay inaasahang lalakas pa at magiging super typhoon bago ito mag-landfall sa katimugang bahagi ng Isabela o hilagang bahagi ng Aurora sa Linggo.











