Nagdaos ng departure honors ang Philippine Air Force (PAF) sa base operations ng Villamor Air Base nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 6, bilang pagpupugay sa apat na nasawing fallen airmen sa pagbagsak ng Super Huey helicopter sa Loreto, Agusan del Sur noong Nobyembre 4, 2025.
Kinilala ang mga nasawing apat na sina Capt. Paulie Dumagan (Makati City), 2nd Lt. Royce Louis Camigla (Pasig City), Sgt. John Christopher Golfo (Noveleta, Cavite), at A1C Ericson Merico (Real, Quezon).
Lumapag pasado ala-7:20 ng gabi ang C-130 aircraft na sakay ang mga labi ng apat na tauhan ng PAF. Ang mga pallbearers, na dati ring kaklase ng mga nasawi, ang nagbuhat sa mga kabaong patungo sa gitna ng honor area habang nakasuot ng itim na ribbon sa balikat bilang tanda ng pakikiramay at pagdadalamhati.
Pinangunahan ni PAF Commanding General, Lt. Gen. Arthur Cordura ang seremonya ng pagsalubong at paggawad ng posthumous Distinguished Aviation Cross sa mga nasawi, na pawang mga miyembro ng 505th Search and Rescue Wing ng PAF. Dumalo rin sa seremonya ang mga pamilya ng mga nasawi na labis ang pagdadalamhati sa kanilang pagdating.
Samantala, kaninang umaga, una nang isinagawa ang departure honors para sa dalawa pang nasawing tauhan na ginanap sa Tactical Operations Wing Eastern Mindanao (TOWEastMin) sa Davao City.
Unang dumating ang mga labi ni Sgt. Yves Sijub, na dinala sa General Santos City ayon sa kahilingan ng kanyang pamilya, habang ang labi naman ni Airman Ameer Apion, na isang Muslim, ay dinala sa Zamboanga City para sa tradisyunal na libing.
Tiniyak naman ni PAF spokesperson Maria Christina Basco na makatatanggap ng anim (6) na buwang sahod ang mga nasawing fallen heroes, na direktang ibibigay sa kanilang mga naulilang pamilya.











