Bagaman welcome sa Department of Finance (DOF) ang naitalang 1.7 percent inflation rate noong October, nananatiling mapagbantay ang ahensya sa mga posibleng banta sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kabilang ang mga kalamidad at external market factors na maaaring makaapekto sa ekonomiya.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, ang average year-to-date inflation na nasa 1.7% ay mas mababa sa target range ng economic managers na 2.0% hanggang 4.0%.
Sinabi ni Recto, na ang pagpapanatili ng mababang inflation ay nagbibigay ng oportunidad para sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na muling mag-relax ng policy interest rates upang palakasin ang household spending at suportahan ang paglago ng ekonomiya.
Binigyang-diin din ng kalihim, na patunay ito ng epektibong pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mapanatiling sapat ang suplay ng pagkain at mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Dagdag pa ni Recto, mananatiling committed ang pamahalaan sa pagpapatupad ng whole-of-government approach upang mapanatili ang katatagan ng presyo at matiyak ang availability ng abot-kayang pagkain sa merkado.











