-- ADVERTISEMENT --

Ipinag-utos ni Transportation Secretary Giovanni Lopez sa mga empleyado ng ahensiya na iwasan ang marangyang year-end at holiday celebration ngayong taon.

Sa isang panayam, sinabi ng kalihim na inatasan na niya ang lahat ng sectoral at attached agencies ng ahensiya na sa halip na mararangyang handaan ay magsagawa na lamang ng payak na selebrasyon.

Ito ay upang maiwasan ang pagka-antala at pagka-abala ng work operations at pagkakagamit sa public funds na kalimitang inilalaan sa mga magagarang selebrasyon.

Paliwanag ng kalihim, bagaman ang mga year-end event ay nakakapagpataas sa morale ng public employees at officials, karaniwang ginagamitan ito ng government funds habang nagagamit din ang oras ng mga empleyado mula sa preparasyon hanggang sa mismong selebrasyon.

Ayon pa sa kalihim, maraming Pilipino ang labis na naapektuhan sa mga magkakasunod na kalamidad, tulad ng mga malalakas na lindol at bagyo.

-- ADVERTISEMENT --

Mainam lamang aniya na iwasan ang mga marangyang selebrasyon bilang pag-alala at pakikiisa sa kanilang pinagdadaanan.

Kasabay nito ay nagpaabot din ang kalihim ng kaniyang pakiki-simpatya sa mga Pilipinong labis na naapektuhan ng mga kalamidad, tulad ng katatapos na bagyong Tino.