-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na hindi lamang nakatuon ang imbestigasyon sa Luzon ukol sa flood control projects anomaly.

Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo sa naturang opisyal kung papaano makaesegurong iniimbestigahan pati ibang bahagi ng bansa, aniya’y kanila naman itong tinutukan.

Kasabay kasi ng usapin flood control, kapansin-pansin ang hagupit ng bagyong Tino sa Visayas kung saan ang ilan ay nilubog sa baha.

Kung kaya’t pagtitiyak ni Ombudsman Remulla na walang pinipiling lugar o geographical area ang pagsasagawa ng imbestigasyon kontra mga sangkot sa isyu ng korapsyon.

Giit niya’y kinakailangan lamang raw itong maayos at masusing imbestigahan kahit saan man nangyari o naganap ang aktong kriminal.

-- ADVERTISEMENT --

“The investigation will be regardless of the geographical area. Kahit saan pa nangyari yung krimen, krimen yan eh. We just have to be able to investigate it properly,” ani Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla.

“If you look at it it’s really, this flood control, I don’t know why it became a major program of the DPWH,” dagdag pa ni Ombudsman Remulla.

Sa naganap na pulong balitan ng Ombudsman, ibinahagi din ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) member Rogelio “Babes” Singson ang kanyang hinaing at saloobin hinggil rito.

Ikinasasama aniya ng kanyang loob ang patungkol sa alokasyon ng budget sa flood control mula 2016 hanggang 2025 ay aabot sa 1.7 trillion pesos.

Ngunit giit niya’y kung ginawa lamang raw ng tama ang flood control master plan para sa 18 major river basins ng bansa, P800 – P900 billion lang ang gagastusin ng pamahalaan.

“From 2016 to 2025, 1.7 trillion pesos ang nailagay sa flood control. Nevermind the convergence at all other programs just on flood control,” ani Independent Commission for Infrastructure (ICI) member Rogelio “Babes” Singson.

“And the flood control masterplan for 18 major rivers would have cost only 800-900 billion. Kalahati lang yon, kung ginawa lang ng tama,” dagdag pa ni Singson.

Samantala, isiniwalat naman ni Ombudsman Remulla na isa sa mga tinitingnan rason sa likod ng maanomalyang mga proyekto ay dulot umano ng inggitan sa kongreso.

Paliwanag niya’y ang ilang kongresista raw ay iginigiit na magkaroon ng alokasyon para sa flood control project kahit pa hindi angkop sa kanilang lugar.

Buhat aniya ito ng kagustuhan na pantay na pagtrato sa distribusyon ng budget kung kaya’t maituturing na ang naturang mga proyekto ay ginawang negosyo ng mga tiwaling opisyal.