-- ADVERTISEMENT --

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Misamis Occidental Governor Henry S. Oaminal bilang Chairperson ng Regional Development Council (RDC) sa Rehiyon X (Northern Mindanao) para sa termino 2025–2028, bilang pagkilala sa kanyang pamumuno sa lokal na pamahalaan, pagtataguyod ng kapayapaan, at pagtutulungan sa rehiyon.

Ipinahayag ni Oaminal ang kanyang taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Marcos sa tiwala at kumpiyansang ibinigay sa kanya, gayundin sa mga opisyal at kasapi ng RDC-X mula sa pamahalaan at pribadong sektor.

Sa isang pahayag sinabi ni Oaminal na lubos na ikinagagalak at ipinagmamalaki ang tiwala na ibinigay ng Pangulo sa kaniya.

Binigyang-diin din niya na ang pagkakaisa ng mga Misamisnon at ng kanyang Asenso team ang naging susi sa pag-unlad ng lalawigan.

Ang RDC ang pinakamataas na policymaking at coordinating body sa bawat rehiyon na tumutulong sa pagsasabay ng mga lokal at pambansang prayoridad sa pamamagitan ng Regional Development Plan at Investment Program.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang RDC Chairperson, pangungunahan ni Oaminal ang pagpapalakas ng ugnayan ng Northern Mindanao sa Philippine Development Plan ng administrasyong Marcos, na nakatuon sa pagpapalawak ng imprastraktura, pagpapanatili ng kapayapaan, at pagpapaunlad ng mga lokal na ekonomiya.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, umangat ang Misamis Occidental bilang isa sa mga pinakamagandang performance na lalawigan sa bansa, na nagtala ng 66.49% pagtaas sa lokal na kita, at nakamit ang unang-class na kategorya.

Pinarangalan din si Oaminal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pamamagitan ng Gawad Parangal 2024 dahil sa matagumpay na pagtatapos ng limang dekadang insurhensiya sa Misamis Occidental, na idineklara ni Pangulong Marcos bilang insurgency-free noong Setyembre 2024.

Bilang bagong tagapangulo ng RDC-X, inaasahang patuloy na isusulong ni Oaminal ang koordinasyon at inklusibong pag-unlad ng mga lalawigan ng Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Oriental, at Misamis Occidental tungo sa isang mapayapa, maunlad, at matatag na Northern Mindanao.