Isinapubliko nang ilang mga Senador ang kanilang yaman o Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) batay ‘yan sa mga dokumentong nakalap ng Bombo Radyo.
Kabilang sa mga naglabas ng kanilang SALN sina Senador Bam Aquino, Pia Cayetano, JV Ejercito, Francis “Chiz” Escudero, Jinggoy Estrada, Panfilo “Ping” Lacson, Lito Lapid, Loren Legarda, Erwin Tulfo, Joel Villanueva, Mark Villar, Camille Villar, at Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Habang sa minority bloc, na sina Senador Bong Go at Sen. Rodante Marcoleta ay nagsumite rin ng kanilang SALN noong Martes ng gabi, Oktubre 28.
Anim pang senador ang nauna nang naglabas ng kanilang SALN, kabilang sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Risa Hontiveros, Francis “Kiko” Pangilinan, Robin Padilla, Sherwin Gatchalian, at Raffy Tulfo.
Si Senador Mark Villar ang may pinakamalaking net worth sa mga senador na nagsumite ng SALN ngayong taon, na umabot sa P1.26 billion noong Disyembre 31, 2024.
Ayon sa kanyang SALN, mayroon siyang P912.19 million sa personal properties at P349.14 million sa real estate assets. Habang wala naman itong idineklarang utang.
Kaugnay nito, kilalang si dating Senador Cynthia Villar at kapatid na si Senador Camille Villar ay kapwa nanungkulan sa Kongreso, habang ang kanyang asawa na si Emmeline Aglipay-Villar ay naging Undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Idineklara naman ni Sen. Camille Villar ang net worth na P362.07 million noong Hunyo 30, 2025.
Mayroon siyang personal properties na P275.05 million at real properties na P87.01 million, at gaya ng kanyang kapatid, wala rin siyang utang.
Kabilang sa kanyang mga negosyo ang AllHome Corp., AllValue Holdings Inc., Camella Homes Inc., Manuela Corp., Vista Land & Lifescapes Inc., at Vistamalls Inc.
Si Senador Erwin Tulfo ay may kabuuang yaman na P497 million, batay sa kanyang SALN noong Hunyo 30, 2025.
Mayroon siyang P656.30 million sa assets at P159.29 million sa liabilities, kabilang ang mga personal loans at credit card debts.
Kasama sa kanyang mga kamag-anak sa gobyerno sina Sen. Raffy Tulfo, Rep. Jocelyn Tulfo (ACT-CIS Party-list), at Quezon City Rep. Ralph Tulfo.
Idineklara naman ni Senate Majority Leader Migz Zubiri ang net worth nito na umaabot sa P431.77 million, may total assets na P631.78 million at liabilities na P200 million.
Kabilang sa kanyang mga kamag-anak sa pamahalaan ay si Bukidnon Rep. Jose Zubiri Jr. (ama) at DENR Undersecretary Juan Miguel Cuna (pinsan).
Iba pang mga senador at kanilang net worth
- Ping Lacson – P244.94 million
- Jinggoy Estrada – P221.21 million
- Lito Lapid – P202.03 million
- JV Ejercito – P137.07 million
- Pia Cayetano – P128.29 million
- Bam Aquino – P86.55 million
- Loren Legarda – P79.21 million
- Rodante Marcoleta – P51.96 million
- Joel Villanueva – P49.50 million
- Bong Go – P32.43 million
- Chiz Escudero – P18.84 million
Mga Senador na hindi pa nagsusumite ng SALN
Tatlong miyembro pa ng minorya ang hindi pa naglalabas ng kanilang SALN kabilang sina:
- Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano
- Sen. Imee Marcos
- Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa
Ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ay taunang isinusumite ng mga opisyal ng gobyerno upang ipakita ang kanilang mga ari-arian, utang, at pinagmumulan ng kita bilang bahagi ng transparency at anti-corruption policy ng bansa.











