-- ADVERTISEMENT --

Hindi kumporme si Senador Sherwin Gatchalian na i-livestream ang mga pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure na nag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects.

Inanunsyo sa pagdinig ng Senado kahapon ni Independent Commission for Infrastructure Chairman Andres Reyes na simula sa susunod na linggo ay ibo-broadcast o isasapubliko na ang mga hearing ng komisyon.

Giit ng senador, isa sa pinangangambahan ay posibleng maging trial by publicity ang ikinakasa nilang imbestigasyon.

Sa halip aniya na isapubliko ang pagdinig, mas mainam na ilabas na lamang ang transcript ng isinagawang hearing upang mabatid pa rin ito ng publiko.

Samantala, nagbabala naman si Gatchalian na ingatan ang mga dokumentong posibleng naglalaman ng mga ebidensya sa mga maanomalyang proyekto ng gobyerno matapos masunog ang isang tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Quezon City.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, kahit na mayroong testimonya, mababale-wala ito kung wala namang sumusuporta na dokumento.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights hinggil sa panukalang permanenteng pagtatatag ng Independent People’s Commission (IPC), ipinaliwanag ni DPWH Assistant Secretary Melody Villar na ang nasunog na gusali ay ang tanggapan ng DPWH-Region 4B.

Ayon sa kanya, dito isinasagawa ang pagsusuri sa mga materyales gaya ng semento at bakal.

Samantala, binanggit ni Reyes na base sa naging pahayag ng dating DPWH-Bulacan Assistant District Engineer na si Brice Hernandez, mayroong isang porsiyentong voucher na ipinagkakaloob sa naturang testing office ng DPWH.

Dahil dito, sinabi ni Senate Justice and Human Rights Committee Chairperson Kiko Pangilinan na maaaring kabilang din sa mga nasunog ang mga dokumentong may kaugnayan sa nasabing isang porsiyentong voucher.