Hindi dumalo si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project nitong Martes, Oktubre 14.
Kabilang si Co sa mga mambabatas na pinadalhan ng subpoena ng ICI, kasama sina Senador Mark Villar at dating House Speaker Martin Romualdez.
Una nang inihayag ni ICI Executive Director Brian Keith Hosaka noong Lunes na maghahain ang komisyon ng petisyon upang ipa-cite in contempt si Co kapag hindi dumalo.
Dagdag pa ni Hosaka, kapag pinaboran ng korte ang petisyon ay maaari umanong maglabas ng warrant of arrest laban sa kongresista, na kasalukuyang nasa labas ng bansa.
Matatandaang nagbitiw si Co bilang miyembro ng Kamara de Representantes dahil umano sa mga banta sa kanyang buhay at pamilya, habang tiniyak naman na babalik umano siya sa Pilipinas para harapin ang mga paratang laban sa kanya.