-- ADVERTISEMENT --

Hihingin ng Commission on Audit (COA) sa lahat ng empleyado nito na ideklara ang posibleng conflict of interest kasunod ng isyu sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects.

Ito ay kasunod ng nabunyag sa imbestigasyon ng Kamara na ang maybahay ni COA Commissioner Mario Lipana ay pinuno ng Olympus Mining and Builders Group, na nakakuha ng ₱326 milyong kontrata para sa mga flood control project sa Ilog Angat, na nagpapakita ng posibleng conflict of interest. Binanggit din ang pangalan ni Lipana sa Senate Blue Ribbon probe kaugnay ng mga anomalya sa nasabing proyekto.

Sa pagdinig nga ng Senado para sa 2026 budget ng komisyon, kinumpirma ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba na hihingan nila ang lahat ng empleyado ng declaration of conflict of interest upang matukoy kung may negosyo o interes silang maaaring makaapekto sa kanilang tungkulin bilang auditor.

Ayon kay Cordoba, ito ay mungkahi ni Cong. Chel Diokno at hiwalay pa ito sa paglalabas ng Statement of assets, liabilities, and net worth (SALN) dahil mas detalyado ang hihinging impormasyon.

Kinuwestiyon naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagliban ni Lipana sa pagdinig, ngunit paliwanag ni Cordoba, ito’y dahil sa pagpapagamot ni Lipana sa ibang bansa at naka-sick leave hanggang Oktubre 30.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado at Kamara upang malaman kung sangkot nga ba si Commissioner Lipana at iba pang opisyal sa mga iregularidad sa flood control projects.