-- ADVERTISEMENT --

Idineklara na ni US President Donald Trump na tapos na ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas makalipas ang dalawang taon.

Inanunsiyo ito ng US President bago sumakay ng Air force One aircraft at lumipad patungong Israel para sa nakatakdang pagpapalaya ng Hamas sa lahat ng mga bihag mula sa Gaza ilang oras na lamang mula ngayon, bilang bahagi ceasefire agreement.

Bilang kapalit, papakawalan naman ng Israel ang 250 presong Palestino at mahigit 700 detainees.

Samantala sa pagdating ni Trump sa Israel, inaasahang makikipagkita siya kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at sa mga pamilya ng mga bihag ng Hamas bago humarap sa Israeli parliament sa Jerusalem.

Pagkatapos nito, magtutungo ang US President sa Egypt para mag-host kasama si President Abdel Fattah al-Sisi ng summit on peace in the Middle East, na dadaluhan din ng mahigit 20 world leaders kabilang na si British Prime Minister Keir Starmer, para suportahan ang plano ni Trump na pagwawakas ng giyera sa Gaza at pagsusulong ng kapayapaan sa Middle East.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ayon kay Shosh Bedrosian, tagapagsalita ng opisina ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, isahang papalayain ng Hamas ang lahat ng mga buhay na bihag at ititurn-over sa Red Cross, na mag-aassist sa pagdadala sa mga papalayaing Israelis sa border ng Israel.

Mayroon na lamang hanggang alas-12:00 ng madaling araw, eastern time, ang Hamas para ibalik ang 48 bihag na nasa kanilang puder kung saan 20 dito ang pinaniniwalaang buhay pa.