-- ADVERTISEMENT --

Tinuligsa ng panig ng depensa ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) na nagbabasura sa interim release request para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, iginiit ni Atty. Nicholas Kaufman na “isang 80-anyos na may karamdaman” ang ikinukulong nang mahigit kalahating taon kahit may garantiya na mula sa estado.

Umaasa silang babaligtarin ng ICC Appeals Chamber ang desisyon.

Si Duterte ay nasa kustodiya ng ICC mula nang siya ay ma-extradite noong Marso. Mula noon, dalawang beses nang tinanggihan ng hukuman ang hiling ng kanyang kampo para sa interim release.

Isa sa mga dahilan ng pagsasantabi sa request ay ang mga pahayag ni VP Sara Duterte tungkol sa umano’y “pagliligtas” sa kanyang ama mula sa kulungan sa The Hague.

Sa 23-pahinang desisyon na isinapubliko nitong Oktubre 10, sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber na ang mga pahayag ni VP Sara noong Hulyo at Agosto ay nagpapakita ng “pagtanggi sa proseso ng hukuman” at ng “pagnanais ng kanyang pamilya na tulungan siyang umiwas sa pag-usig.” Binanggit din ng korte na sinabi umano ni Duterte sa anak na gusto niyang umuwi sa Davao City kung siya ay palalayain — salungat sa pahayag ng depensa na mananatili siya sa bansang tatanggap sa kanya.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng ICC na dapat manatili sa kustodiya si Duterte habang nakabinbin ang confirmation of charges para sa kasong crimes against humanity of murder kaugnay ng libo-libong napatay sa war on drugs.