Pirmado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12310 o Expanded Philippine Science High School System Act para palakasin pa ang pamamahala at operasyon ng mga campus ng Philippine Science High School o PSHS sa bansa.
Sa ilalim ng batas na nilagdaan noong Oktubre 3, itatatag ang karagdagang mga PSHS campus sa bawat rehiyon upang magbigay ng scholarship-based education na nakatuon sa Science, Technology, Engineering, at Mathematics o STEM.
Layunin nito na mas dumami ang mga mag-aaral na magpapatuloy sa STEM courses at matiyak ang de-kalidad na edukasyon at epektibong pamamahala sa lahat ng PSHS campus.
Itinatakda rin ng bagong batas ang pagtatatag ng karagdagang campus sa Negros Island Region at posibilidad ng mga bagong site sa Aklan, Albay, Bohol, Ilocos Norte, Cagayan, Zamboanga del Sur, General Santos City, at Bukidnon.
Ang PSHS System ay mananatiling nasa ilalim ng Department of Science and Technology at pamumunuan ng Board of Trustees na binubuo ng mga opisyal ng DOST, DepEd, UP, at iba pang kinatawan mula sa pribadong sektor.