Ayaw patulan ng Malacañang ang usapin ng planong pagsasampa ng impeachment complaint ni Cavite Representative Francisco “Kiko” Barzaga laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro na saklaw ng House of Representatives ang usapin ng impeachment at responsibilidad ng mga mambabatas ang pagproseso nito.
Una nang nanawagan si Rep. Barzaga na magbitiw sa puwesto ang Pangulo, sa gitna ng kanyang alegasyon ng korapsyon umano sa Malacañang. Tinutulan naman ito ng Malacañang.
Dagdag pa ni Castro mahirap kasing magsalita ng walang ebidensiya lalo at madaling magbintang, madaling magsabi ng kung anu-ano at kung walang ebidensiya, hindi dapat paniwalaan.
Sa kabila ng mga panawagan ng impeachment, resignation, at people power mula kay Rep. Barzaga, sinabi ni Castro na hindi ito pinagtutuunan ng pansin ng Pangulo.
Binigyang-diin ni Castro na abala at maraming ginagawa ang Pangulo at hindi nito pinapansin ang mga ganitong klaseng usapin.