Hindi maaaring tanggalin ang unprogrammed appropriations at gawing zero sa 2026 national budget.
Kasunod ito ng panawagan ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na tila ginawang pork barrel ang unprogrammed appropriations.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, hindi uubra kung gawing zero ang unprogrammed appropriations dahil mahalaga ito sa pagpapatupad ng ilang programa ng pamahalaan, lalo na kung may biglaang pangangailangan o emergency.
Paliwanag ni Usec. Castro, hindi agad-agad nagagamit ang mga pondong ito kung walang kumpletong dokumento.
Dagdag pa ni Castro may sapat na mekanismo para mabantayan at matiyak ang tamang paggamit ng pondo.
Tiniyak ni Usec. Castro na sinisiguro ng Pangulo na mapupunta sa tama ang paggamit ng ₱250 bilyong unprogrammed appropriation sa ilalim ng 2026 national budget.
Ani Castro, ang paggamit sa pondo ay sakop ng “conditional implementation” bilang bahagi ng pag-iingat ng Pangulo sa pera ng bayan.
Ibinahagi ni Castro na may mga nagrereklamo sa hindi pag release ng kanilang pondo.
Igiinit ni Castro na pinapangalagaan ng Pangulo ang pondo ng bayan.
Naglabas kasi ng kaniyang saloobin si Akbayan Partylist Representative Chel Diokno sa pamamagitan ng isang privilege speech kahapon, Oktubre 7, kung saan binatikos niya ang umano’y paglobo ng unprogrammed appropriations sa panukalang 2026 national budget na umaabot sa ₱250 bilyon.
Ayon kay Diokno, hindi ito mga contingency funds kundi pondo para sa malalaki, planado, at regular na programa. Dahil dito, nanawagan siya na tanggalin o gawing zero ang unprogrammed appropriations sa susunod na taon.