-- ADVERTISEMENT --

Umaapela si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mga respetadong Senador ng ating bansa na suportahan ang panukalang budget na nagkakahalaga ng ₱216.1 bilyon para sa Department of Agriculture (DA) para sa taong 2026.

Ayon kay Tiu Laurel, ang panukalang budget na ito, na mas mataas kumpara sa nakaraang ₱176.7 bilyon, ay sumasalamin sa matagal nang ipinaglalaban at isinusulong na pangangailangan para sa isang sektor na siyang nagpapakain sa buong bansa.

Binigyang-diin pa ng kalihim na ang mga nakaraang taon kung saan limitado ang pondo para sa agrikultura ay nagkaroon ng negatibong epekto, at patuloy na nagpapahina sa mahalagang papel na ginagampanan ng agrikultura sa mas malawak na ekonomiya ng Pilipinas.

Sa kabila ng katotohanang ang agrikultura ay itinuturing na backbone o gulugod ng ating ekonomiya, nakakalungkot na milyon-milyong nagtatrabaho sa sektor na ito ang nananatiling pinaka-mahina sa pananalapi sa buong bansa.

Para sa taong 2026, ang mga pangunahing prayoridad ng DA ay nakatuon sa modernisasyon ng agrikultura upang mapataas ang produksyon at efficiency, pagpapataas ng kita ng ating mga magsasaka at mangingisda upang mapabuti ang kanilang kabuhayan at kalidad ng buhay.

-- ADVERTISEMENT --

Kasama rin sa mga prayoridad ang pagbuo ng katatagan sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagpapabuti ng imprastraktura, pagpapatupad ng mga climate-smart na teknolohiya upang harapin ang epekto ng climate change, at pagpapahusay ng disaster preparedness upang mabawasan ang mga pinsala dulot ng mga kalamidad.