Iginiit ni House Committee on Food Security Chair Adrian Salceda na gawing prayoridad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Agriculture (DA) ang food security, kasunod ng realignment ng pondo mula sa flood control projects.
Binigyang-diin niya na kahit mababa ang inflation rate noong Setyembre 2025, ang pagtaas ng presyo ng gulay ng 19.4% ay nagpapakita ng problema sa logistics at imprastraktura ng agrikultura.
Kaya naman, iminungkahi ni Salceda na ilaan ang pondo ng flood control sa irrigation, drainage, at farm-to-market roads.
Aniya, ang food logistics infrastructure ay kasinghalaga ng flood control sa pagpapalakas ng resistensya laban sa epekto ng klima.
Dapat isama sa plano ng DPWH at DA ang mga pangunahing rehiyon ng gulay tulad ng Benguet, Nueva Vizcaya, at Bicol, at tukuyin ang mga proyekto para sa cold storage, farm drainage, at irrigation systems bilang bahagi ng food security infrastructure.
Sa huli, sinabi ni Salceda na kung ire-realign ang pondo ng flood control, dapat itong gamitin para sa seguridad sa pagkain, dahil ang imprastraktura na tumutulong sa mga magsasaka ay nagtatanggol sa pagkain ng mga Pilipino.