Magsasampa ng indemnity class suit ang United People Against Corruption (UPAC) laban sa ilang opisyal ng gobyerno, kongresista, at contractor na sangkot umano sa katiwalian sa DPWH.
Ayon sa grupo, layon ng kaso na panagutin ang mga sangkot at mabigyan ng kompensasyon ang mga pamilyang paulit-ulit na binabaha dahil sa korapsiyon sa pondo ng flood control projects.
Sinabi din ng grupo na target ng demanda ang hindi bababa sa apat na mambabatas mula sa Quezon City na sina Arjo Atayde, Marvin Rillo, Patrick Michael Vargas at Marivic Co-Pilar, base sa online post ng grupo na may caption na “panagutin”. Kasama din ang ilang senador, at DPWH officials na lumutang sa mga pagdinig sa Kongreso.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, maiiwasan sana ang pinsala kung hindi substandard ang mga proyekto.
Samantala, binatikos ni Mar Valbuena ng MANIBELA ang mga proyekto sa kalsada na aniya’y maayos pa ngunit ginagastusan muli, habang pinapabayaan naman ang mga sira.
Hinihingi ng grupo sa class suit ang P1 hanggang P5 bilyong danyos para sa mga biktima at kasaping sektor.
Giit ni Valbuena, wala nang tiwala ang grupo sa mga imbestigasyon ng Senado at Kamara, kaya sila na mismo ang magsasampa ng kaso.
Tiniyak ng grupo na isasapinal nila ang reklamo ngayong linggo at ihahain ito sa mga darating na araw.