-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni dating Senator Richard Gordon na maaari ring magsagawa ng motu proprio investigation ang Office of the Ombudsman ukol sa anomalyang bumabalot sa mga infrastructure project ng bansa.

Ito ay sa kabila ng mga serye ng imbestigasyong isinasagawa ng iba’t-ibang ahensiya at sangay ng pamahalaan tulad ng Department of Justice (DOJ), Independent Commission for Infrastructure (ICI), at ang naunang pagdinig na ginawa ng Kamara de Representantes at ng Senado.

Ayon kay Gordon, maaari ring magsagawa ng sariling imbestigasyon ang Ombudsman at agad maghain ng mga kaso, kahit hindi hinihintay ang resulta ng imbestigasyong isinasagawa ng ibang ahensiya.

Giit ng dating Senate Blue Ribbon Committee Chairman, dati na niyang tinatawagan ang Ombudsman noong siya pa ay Senador upang igiit na magsagawa ang constitutional anti-graft body ng sarili nitong hiwalay na pagsisiyasat, oras na may nakita o napansin itong iregularidad.

Inihalimbawa ng batikang Senador ang halos araw-araw na daan-daang milyong piso ang inilalabas ng mga kontraktor gayong napakaliit na halaga lamang ang kanilang kapital, ilan dito ay mas mababa pa sa isang milyon.

-- ADVERTISEMENT --

Dito pa lamang aniya ay matutukoy na ng Ombudsman na may iregularidad na nangyayari sa kalakaran ng mga flood control project sa bansa.

Kahapon ay opisyal nang itinalaga si dating DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla bilang Tanodbayan, ilang buwan matapos magretiro si dating Ombudsman Samuel Martires.

Bago umalis sa DOJ, sinimulan na rin ni Remulla ang imbestigasyon sa flood control scandal, sa tulong ng National Bureau of Investigation, kabilang dito ang umano’y pagtanggap ng ilang mambabatas ng donasyon mula sa mga government contractor.