Pormal nang isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kasong tax evasion laban sa mag-asawang Sarah at Curlee Discaya, matapos matuklasan ang umano’y hindi pagbabayad ng buwis na umaabot sa mahigit P7.1 bilyon.
Personal na inihain ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang reklamo sa Department of Justice (DOJ) ngayong umaga, kasabay ng pagsasampa rin ng kaso laban sa isang corporate officer ng St. Gerard Construction Gen. Contractor and Development Corporation, kung saan konektado ang Discaya couple.
Ayon sa BIR, lumabas sa kanilang masusing pagsusuri na may malalaking tax deficiencies ang kompaniya at ang mga opisyal nito, kabilang ang hindi deklaradong kita at hindi tamang pag-file ng tax returns.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa mga malalaking tax evaders sa bansa.
Sa ilalim ng Run After Tax Evaders (RATE) Program ng BIR, layunin nitong papanagutin ang mga indibidwal at korporasyong lumalabag sa batas sa pagbubuwis, upang mapalakas ang koleksyon ng pondo para sa mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan.