Inirekomenda ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa mga residente ng Bogo City, Cebu na umiwas ng limang metro mula sa linya ng Bogo Bay Fault, na siyang nagdulot ng magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 30, na kumitil ng 72 katao.
Ayon sa PHIVOLCS, ang rekomendasyon ay para matiyak ang kaligtasan ng mga residente at maiwasan ang anumang panganib sakaling magkaroon ng panibagong paggalaw ng lupa.
Ayon sa ahensya, natukoy ng kanilang Quick Response Team ang onland extension ng fault sa Sitio Looc, Barangay Nailon, kung saan nakita ang mga bitak sa lupa at pressure mounds sa loob ng dalawang metrong lapad na deformation zone.
Batay sa inisyal na pagsusuri, humigit-kumulang 200 metro ang haba ng surface rupture, ngunit maaaring umabot sa 1.5 kilometro ayon sa drone survey.
Patuloy ang field verification ng PHIVOLCS, habang mahigit 7,000 aftershocks na ang naitala, kung saan pinakamalakas na naitala ay magnitude 5.1.