Mariing tinutulan ng mga obispo, mambabatas, retiradong mahistrado, at Malacañang ang panukala ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na magsagawa ng snap election, kung saan magbibitiw ang lahat ng halal na opisyal mula sa Pangulo hanggang sa mga kongresista.
Maalalang sa isang Facebook post, iminungkahi ni Cayetano ang sabayang pagbibitiw ng mga opisyal upang isagawa ang halalan, sa kundisyong walang incumbent na tatakbo muli sa susunod na termino.
Ayon sa kanya, ito ay hakbang para maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Ngunit ayon sa Clergy for Good Governance, “ang solusyon sa katiwalian ay hindi snap election kundi snap of conscience.” Nanawagan silang panagutin muna ang mga sangkot sa korapsyon bago pag-usapan ang bagong halalan.
Ayon naman kina dating Senate President Vicente Sotto III at Senador Panfilo Lacson, wala sa Konstitusyon ang probisyon para sa snap election, kaya’t ito ay maaaring magdulot ng kaguluhan at ligal na suliranin.
Ipinunto rin ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio na ang blanket ban sa mga incumbent ay labag sa batas.
Nag-ugat ang panukala sa gitna ng kontrobersiyang kinahaharap ng pamahalaan ukol sa umano’y bilyon-bilyong pisong pondong nawaldas sa mga flood control projects mula noong 2022. Dahil dito, napalitan ang mga lider ng Senado at Kamara at nagsimula ang mga sunod-sunod na protesta.
Tinawag naman ng Malacañang ang mungkahi ni Cayetano na “wishful thinking,” at sinabing dapat tutukan ang pangangailangan ng taumbayan kaysa sa pansariling interes.