-- ADVERTISEMENT --

Inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) na maaari nang mabigyan ng civil service eligibility ang mga halal at itinalagang Sangguniang Kabataan Officials (SKO) na nakatapos ng buong tatlong taong termino at may maayos na rekord sa serbisyo.

Batay sa CSC Resolution No. 2500752, ang Sangguniang Kabataan Official Eligibility (SKOE) ay maaaring gamitin para sa first-level positions sa pamahalaan, maliban sa mga trabahong nangangailangan ng board exam o espesyal na kwalipikasyon.

Ayon kay CSC Chairperson Atty. Marilyn Yap, kinikilala ng naturang eligibility ang ambag ng kabataan sa bayan at bigyan sila ng pagkakataon upang ipagpatuloy ang kanilang serbisyo sa pamahalaan.

Saklaw ng SKOE ang mga SK officials na nanungkulan sa ilalim ng Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015, kabilang ang mga naglingkod mula 2018 hanggang 2022, basta’t natapos ang buong termino.

Nilinaw naman ng CSC na ang mga SK chairperson ay sakop ng Barangay Official Eligibility (BOE) at hindi ng SKOE.

-- ADVERTISEMENT --

Nagsimula na ang pagtanggap ng aplikasyon para sa SKOE noong Sabado, Oktubre 4, 2025, at maaaring isumite ito sa CSC Regional o Field Office kung saan nanilbihan o kasalukuyang nakatira ang aplikante.