Timbog ang dalawang personalidad na nagpapakilala bilang mga empleyado mula sa Bureau of Immigration (BI) matapos na makatanggap ng reklamo ang Quezon City Police District (QCPD) mula sa isang Korean national.
Agad naman na nagkasa ng entrapment operation ang QCPD Criminal Investigation and Detection Unit sa mga suspek sa loob ng Camp karingal nitong Biyernes.
Sa naging inisyal na imbestigasyon, Hunyo 18 nang magbigay ng pambayad ang biktima sa mga suspek na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P166,800 bilang kapalit ng magiging renewal ng kaniyang working visa maging ng kaniyang Alien Certificate of Registration (ACR).
Matapos nito hiniling ng Korean national na ibalik na lamang ang mga naibigay niyang mga dokumento at ikansela na lamang ang transaksyon.
Ayon pa sa QCPD, pinagbantaan ng mga suspek ang biktima dahilan para humingi ito ng saklolo sa pulisya para sa agarang pagkakahuli at pagsuplong ng mga suspek sa BI.
Samantala, nahuli naman sa mga suspek ang hinihinalang boodle money, apat na ACR cards, mga Republic of Korea passports, Alian Employment Permits, apat na opisyal na resibo mula sa Immigration, dalawang Certificates of Family Relations mula sa Supreme ourt ng Korea, company profile, P3,000 piso at isang sasakyan na hinihinalang ginagamit sa mga transaksyon.
Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng QCPD ang mga suspek at nahaharap sa mga kasong robbery-extersion at usurpation of authority.