Suportado ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang hiling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na emergency funds para sa mga biktima ng 6.9 magnitude na lindol sa Cebu.
Sinabi ni Adiong na kaisa ang Kamara sa mga taga-Cebu sa panahong ito ng sakuna.
Giit ni Adiong tutugon agad ang Kongreso sa panawagan ng Pangulo upang maibigay ang kailangang tulong para sa kaligtasan at kinabukasan ng mga tao.
Sinabi ng Kongresista na bilang isang nakaranas na rin ng matinding sakuna, alam niya ang hirap na dinaranas ng mga nasalanta.
Aniya kailangang sapat ang tulong na ibibigay upang matugunan ang pinsala at mapawi ang trauma ng mga Cebuanos.
Binigyang-diin ni Rep. Adiong na dapat tayong kumilos nang mabilis at may malasakit.
Dagdag pa nito bawat araw ng pagkaantala ay dagdag na pagdurusa.
Kailangang ipakita ng gobyerno na walang Pilipinong pinapabayaan sa oras ng sakuna.