Pinabulaanan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang umano’y “below-the-belt” na paratang ng conflict of interest kaugnay sa isang proyektong pinamumunuan ng mga Disacaya sa lungsod, na aniya’y naging dahilan ng kanyang pagbibitiw sa Independent Commission for Infrastructure.
Sa kanyang pagharap sa pagdinig ng Philippine National Budget Blockchain Act, iginiit ni Magalong na hindi niya matanggap ang naturang paratang at tila pinalalabas na siya ay isang kurap na opisyal.
Naniniwala rin ang alkalde na may natamaan siya habang isinasagawa ang imbestigasyon ukol sa umano’y korapsyon sa mga flood control projects ng ICI.
Tinukoy din ni Magalong ang mga natuklasan niya sa kanyang maikling pananatili sa komisyon, kung saan may tatlong pangunahing grupo na talamak at walang takot sa paggawa ng korapsyon: ang mga corrupt na politiko, mga corrupt na opisyal ng DPWH, at mga corrupt na contractor.
Ayon sa kanya, naging maliit na industriya o pinagkakakitaan ang mga ‘ghost’ at substandard na flood control projects.