Naaresto ng pulisya ng Taguig City ang dalawang lalaki na sangkot umano sa isang robbery with homicide sa Barangay Lower Bicutan, sa isinagawang joint anti-criminality operation.
Kinilala ang mga suspek na sina Laizer Ken Larion, 24 -anyos, at Eiyzhen Keddler Larion, 21- anyos, kapwa residente ng Purok 5, Brgy. Lower Bicutan. Arestado sila noong Setyembre 23, 2025 bandang alas-11 ng gabi sa VP Cruz.
Ayon sa mga awtoridad, ang pag-aresto ay kaugnay ng insidente ng panloloob na nauwi sa pagpatay na naganap din noong Setyembre 23, bandang 3:30 a.m. sa C6 Road, kung saan nasawi ang isang 24-anyos na biktima.
Base sa CCTV footage at salaysay ng mga saksi, itinuro ang dalawang suspek, kaya’t agad nagsagawa ng follow-up operation ang intelligence at tracker teams ng Taguig PNP.
Narekober mula sa kanila ang dalawang .38 caliber na revolver — isa ay may tatlong bala, at ang isa ay may tatlong bala rin kasama ang ilang basyo ng bala.
Lumabas din sa record na may dating kaso ng robbery snatching si Laizer Ken Larion noong 2022, at kabilang sa Unified Illegal Drugs Watchlist ng Taguig PNP. Na-link din siya sa carnapping case noong Hulyo 2025, ngunit nai-settle umano ito sa pagitan ng mga partido.
Noong Setyembre 25, nagsampa na ng reklamo laban sa mga suspek para sa Robbery with Homicide at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Taguig City Prosecutor’s Office.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa Taguig Police Station Custodial Facility.
Ayon kay Police Colonel Byron F. Allatog, hepe ng Taguig City Police, bahagi ito ng direktibang ibinigay ni Mayor Lani Cayetano na paigtingin ang kampanya kontra krimen upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mga Taguigeño.