-- ADVERTISEMENT --

Bumanat si dating Presidential Spokesperson Harry Roque kay Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co kaugnay ng isyu ng korapsyon, at iginiit na sirang-sira na umano ang relasyon nito sa sariling mga anak.

Sa isang video na ibinahagi ni Roque sa kanyang Facebook account, sinabi nito na dapat ibalik ni Co ang umano’y perang ninakaw mula sa kaban ng bayan upang maayos ang relasyon sa pamilya, partikular sa anak na si Ellis Co na hayagang nagsabing nahihiya siya sa mga nangyayari.

Ayon kay Roque, maaari pang mapabuti ni Co ang kanyang ugnayan sa mga anak kung isasauli niya ang pondong kinukuwestiyon.

Dagdag pa niya, galit na umano ang mga ito sa kanilang ama dahil sa mga alegasyon ng korapsyon.

Kasabay nito, hinamon ni Roque si Co na makipagkita sa kanya sa The Hague, Netherlands, matapos umanong mapabalitang nasa Europa ang kongresista.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ni Roque na maaari siyang tumulong kay Co na makagawa ng sworn statement upang mailahad ang buong katotohanan hinggil sa umano’y pagnanakaw ng pondo.

Ani Roque, posibleng maging daan ito upang makapasok si Co sa Witness Protection Program sa ilalim ng susunod na administrasyon.

Samantala, kamakailan ay naglabas ng pahayag si Ellis Co hinggil sa isyu.

Ayon dito, nakikiisa siya sa mga mamamayan na lumalaban sa korapsyon at iginiit niyang matagal na niyang sinikap ihiwalay ang kanyang sarili sa pangalan ng kanilang pamilya.

Binanggit din ni Ellis na kinikilala niya ang galit at pagkasuklam ng taumbayan, at nanawagan sa kanyang ama na umuwi, humarap sa korte, at magbigay ng kasagutan sa taumbayan. /JDS