-- ADVERTISEMENT --

Lumawak pa ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa hagupit ng magkakasunod na bagyong tumama sa bansa.

Base sa datos ng DA-DRRM Operations Center ngayong Lunes, Setyembre 29, pumalo na sa P1.38 billion ang halaga ng nalugi sa agrikultura o katumbas ng 109,997 metrikong tonelada na nawala sa produksiyon.

Naapektuhan dito ang kabuhayan ng mahigit 55,000 magsasaka at mangingisda.

Nasa kabuung 47,723 ektarya ang naapektuhan ng mga kalamidad, kung saan 89.30% ang may tiyansang marekober habang 11.70% ang wala nang tiyansang marekober pa. Naitala ito sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Northern Mindanao, at SOCCSKSARGEN.

Pinakamatinding pinadapa ng mga bagyo ang mga palay, sinundan ng mais, high value crops at iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang tugon, inatasan na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang lahat ng regional offices sa mga lugar na sinalanta gayundin ang Philippine Crop Insurance Corp. na pabilisin ang pagberipika sa mga pinsala at tinatayang pagkalugi upang agad na mahatiran ng tulong ang mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Samantala, mayorya o pinakamatinding nagtamo ng pinsala sa imprastruktura ang Ilocos Region bunsod ng pananalasa ng nagdaang mga bagyo.

Ayon sa NDRRMC, nasa 77 imprastruktura ang napinsala na nagkakahalaga ng mahigit P773 million. Sinundan ito ng Region 2, CAR, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, Region 6 at Region 7.

Sa kabuuan, pumalo na sa mahigit P979 million ang naitalang pinsala sa imprastruktura sa bansa bunsod ng mga tumamang bagyo.