Ibinulgar ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan district engineer Henry Alcantara ang mga umano’y katiwalian sa flood control projects na kinasangkutan ng ilang mambabatas.Promo
Ginawa ni Alcantara ang pahayag matapos basahin ang kanyang salaysay sa isinasagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, Setyembre 23, 2025.
Ayon kay Alcantara sina Senador Joel Villanueva, Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., at Ako Bicol Rep. Zaldy Co bilang mga umano’y nakinabang sa budget insertions at kickbacks.
Dagdag pa ni Alcantara, si dating DPWH Undersecretary Robert Bernardo ang nag-utos sa kanya kaugnay ng mga pondong nakalaan umano para sa mga naturang opisyal. Aniya, sinabi ni Bernardo na ang P300 million mula sa 2024 General Appropriations Act (GAA) insertions ay para kay Revilla, na tumakbo sa Senado nitong taon.
‘Ayon kay Usec Bernardo ang GAA insertions noong 2024 na nagkakahalaga ng P300M ay para kay Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. na noon ay kumakandito bilang senador para sa 2025 senatorial elections,’ ani Alcantara sa pagdinig.
Sa kaso naman ni Sen. Villanueva, sinabi ni Alcantara na humiling ito ng P1.5 billion para sa isang multipurpose building noong 2022, ngunit P600 million lang ang naaprubahan.
Dahil dito, pinayuhan umano si Alcantara ni Bernardo na maglaan ng P150 million sa isang proyekto para kay Villanueva, na kalauna’y napunta umano sa flood control projects nang hindi alam ni Villanueva.
‘Taong 2022, noong humiling si Senator Emmanuel Joel Jose Villanueva (“Sen. Joel”) ng proyektong multipurpose building na nagkakahalaga ng P1.5B. Sa halagang P1.5B ay P600M lamang ang napagbigyan na pondo para sa MPB. Hindi ito ikinatuwa ni Sen. Joel kaya napilitan kami gumawa ng paraan ni Usec. Bernardo,’ pahayag pa ni Alcantara.
‘Hindi huminging partikular na proyekto o porsyento si Sen. Joel pero intutos ni Usec. Bernardo na bigyan na lamang ng proyckto na may katumbas na P150M na proponent itong si Sen Joel. Dahil dito nabigyan si Sen. Joel ng proyekto sa Unprogrammed Appropriations noong 2023 na nagkakahalaga ng P600M na pawang mga flood control na mga proyekto at kung susumahin sa 25% na proponent ay may halaga na P150M,’ dagdag pa nito.
Kaugnay nito ibinunyag din ni Alcantara na isinuko niya ang P150 million sa isang rest house sa Bulacan sa isang empleyado ni Villanueva na kinilalang si Peng. Aniya, hindi umano alam ng kampo ni Villanueva na ang pera ay galing sa flood control funds.
Tungkol naman kay Sen. Estrada, sinabi ni Alcantara na nabanggit sa kanila ni Bernardo ang natitirang P355 million mula sa 2024 budget na para umano kay “SJE,” na tinukoy bilang si Estrada. Wala raw siyang direktang komunikasyon kay Estrada.
Sa huli, isinangkot din ni Alcantara si Rep. Zaldy Co, matapos silang magkita noong Setyembre 2021 sa isang pagtitipon kung saan pinag-usapan umano nila ang paglalagay ng pondo sa distrito ni Alcantara para sa flood control projects.
‘Noong Agosto o Setyembre 2021, nagkakilala kami ni Congressman Elizaldy “Zaldy” S. Co (“Cong. Zaldy”) ng Ako Bicol Party List sa isang pagtitipon o meeting sa Shangri-La, Bonifacio Global City, Taguig. Doon ay napag-usapan namin ang plano ni Cong. Zaldy na sumubok na magbaba ng pondo papunta sa aking distrito para sa iba’t ibang proyekto,’ paglalahad pa ni Alcantara.