-- ADVERTISEMENT --

Mariing kinondena ni Senador Erwin Tulfo ang umano’y lantaran at sistematikong korapsyon sa loob ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).

Ayon kay Tulfo, ang Republic Act No. 4566 o Contractors’ License Law na dapat sana’y nagsisilbing gabay at proteksyon para sa industriya ng konstruksiyon ay ginawang kasangkapan para sa abuso, kasakiman, at korapsyon.

Binigyang-diin ng senador na ilang miyembro ng PCAB mismo ang nakakuha ng bilyon-bilyong kontrata mula sa gobyerno.

Kabilang dito si Engineer Erni Baggao, board member ng PCAB at may-ari ng EGB Construction Corporation, na nakakuha umano ng P7.7 bilyon na flood control projects mula 2022 hanggang 2025.

Dagdag pa ni Tulfo, nasangkot din ang kompanyang ito sa mga ulat ng overpriced, substandard, at ghost projects, kabilang ang diumano’y operasyon ng Wawao Builders sa Bulacan.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din niya si Engineer Arthur Escalante, isa ring opisyal ng PCAB, na umano’y nakakuha rin ng malalaking kontrata sa gobyerno.

Bunsod nito, inihain ng senador ang Senate Bill No. 1373 o an Act Strengthening the Contractor’s License Law, na layong higpitan ang regulasyon at ipagbawal sa mga miyembro ng PCAB ang paglahok sa anumang kontrata ng pamahalaan habang nasa puwesto, kabilang ang pagpapataw ng cooling-off period matapos ang kanilang termino.