-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ni House Deputy Speaker Rep. Ronaldo Puno na magbibitiw na si Speaker Martin Romualdez sa kanyang posisyon bilang lider ng Mababang Kapulungan.

Ayon kay Puno, layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang reputasyon ng Kamara, sa gitna ng mga kontrobersya kaugnay ng flood control projects at pambansang budget.

Ilang ulat ang nagsasabing inaalis na ang mga gamit ni Romualdez mula sa kanyang opisina, kabilang ang kanyang nameplate bilang Speaker, na lalong nagpapatibay sa balitang pagbaba niya sa puwesto.

Naging emosyonal umano si Romualdez habang nagpapaalam sa ilang kaalyado, ayon sa mga nakasaksi.

Sa kasalukuyan, nagpupulong ang mga miyembro ng majority bloc sa Office of the Speaker upang talakayin ang susunod na hakbang bago ang pormal na pagbibitiw. Inaasahang lalabas mula sa pulong ang opisyal na pahayag at ang magiging kapalit ni Romualdez.

-- ADVERTISEMENT --

Matunog ang pangalan ni Rep. Faustino “Bojie” Dy III bilang posibleng bagong House Speaker, at may ilang mambabatas na nag-post na rin sa social media tungkol sa inaasahang pagbabago sa liderato.

Ayon sa observers sa Kamara, ang pagbabagong ito ay maaaring magdulot ng epekto sa balanse ng kapangyarihan sa Kamara, lalo na’t papalapit na ang deliberasyon sa susunod na pambansang budget.