Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang self-proclaimed na obispo at ang kanyang asawa na umano’y nagpapatakbo ng simbahan ng isang religious sect sa Baras, Rizal, ngunit pinaniniwalaang ginagamit lamang ito bilang front sa ilegal na job recruitment.
Kinilala ang mga suspek na sina Reynaldo Basalio, na tinuturong pinuno ng Faithful Promise Foundation Philippines Inc., at ang kanyang asawa na si Esclarmonde.
Isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon kasunod ng mga reklamo mula sa mga aplikante ng trabaho na nagsasabing may isang illegal recruitment agency na nangako ng trabaho bilang mga factory worker, mechanical engineer, at iba pa sa mga bansang Japan, South Korea, at Papua New Guinea.
Pinangakuan umano ang mga biktima ng sweldo mula P36,000 hanggang P120,000.
Ayon sa mga ulat, binigyan umano sila ng tourist visa at tinuruan na magpakilalang mga misyonaryo sa Immigration upang makalusot.
Ngunit ayon sa mga biktima, may ilan sa kanila ang na-offload, may ilan ding na-deploy, ngunit marami pa rin ang naghihintay.
Sinisingil din umano ang bawat aplikante ng hindi bababa sa P50,000 bilang bayad para sa pagproseso ng kanilang mga travel documents at employment.
Sa ngayon, nahaharap ang mag-asawa sa kasong large-scale illegal recruitment, isang non-bailable offense sa ilalim ng Republic Act 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act.