-- ADVERTISEMENT --

Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte noong Martes, Setyembre 16, na nakausap niya kamakailan sa telepono ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ginawa ng Bise ang pahayag matapos ang pagdinig ng panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2026, sinabi pa ni Duterte na tumawag ang kanyang ama noong Biyernes at nag-usap sila tungkol sa pulitika, kontrobersiya sa flood control, at maging sa love life nito.

“Okay naman siya. Tumawag siya. Nag-usap kami tungkol sa pulitika, flood control, at pati love life niya,” ani VP Sara.

Gayunman, tumanggi siyang ibahagi ang pananaw ng dating pangulo ukol sa isyu ng flood control dahil hindi raw siya pinapayagang ikuwento ang mga pag-uusap mula sa loob ng kulungan.

Tungkol naman sa kalagayan ng kanyang ama, sinabi niyang dapat hintayin ang opinyon ng mga eksperto ng ICC.

-- ADVERTISEMENT --

“Hintayin natin kung magkakaroon ng hearing tungkol sa competency niya. Hindi ako eksperto sa kapasidad ng isang akusado,” dagdag pa nito.

Ang pahayag ni Duterte ay kasunod ng alegasyon ng abogado ng kanyang ama na si Atty. Nicholas Kaufman, na may “cognitive impairment” ang dating pangulo kaya hindi siya dapat isailalim sa paglilitis.

Dahil dito, ipinagpaliban ng ICC ang nakatakdang pagdinig sa Setyembre 23 hinggil sa confirmation of charges laban sa dating pangulo, na nahaharap sa mga kasong crimes against humanity dahil sa kanyang kontrobersyal na ‘war on drugs.’